Naglabas ng subpoena ang isang Senate committee laban sa mga opisyal ng online shopping platforms na Shopee at Lazada, at sa Media Specialist Association of the Philippines, dahil sa hindi nila pagsipot sa pagdinig ng kapulungan sa ikalawang pagkakataon tungkol sa social media platforms.
Sa pagdinig nitong Miyerkules, binanggit ni Senador Francis Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments, ang pag-isyu ng subpoena sa opisyal dahil sa hindi pagdalo ng mga ito sa deliberasyon.
Dito na nagmosyon si Senate Minority Leader Franklin Drilon para sa subpoena, na sinegundahan ni Pangilinan.
“I move that the appropriate subpoenas be issued to Lazada and the others that are invited here,” ani Drilon.
Iminungkahi rin ni Drilon na isama sa subpoena ang babala sa mga opisyal na isa-cite for contempt sila kung hindi pa rin magpapakita sa susunod na pagdinig.
"The subpoena shall contain a notice that if they have ignored the invitation of this committee without giving an explanation and that the failure to heed the subpoena shall give rise to a contempt citation," ayon kay Drilon.
"We already place that warning so that if they don't attend the next time, we can hold them in contempt," dagdag ng senador.
Bago aprubahan ang mosyon, binanggit ni Pangilinan ang Section 17 ng Rules of Procedure on the inquiries in aid of legislation, na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga komite na ipatawag ang mga kailangang saksi o sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa pakay ng pagdinig.
Ipinatatawag ng komite ang mga online shopping platform at MSAP para hingan sila ng mga impormasyon tungkol sa usapin ng advertisement placements at online videos na may laman na maling impormasyon at nakakapanira ng puri ng iba.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuha ang komento ng Shopee, Lazada at MASP tungkol sa usapin.—FRJ, GMA News