Mula sa 13.5 milyon noong Hunyo 2021, bumaba sa 11.9 milyon ang mga Pinoy na walang trabaho nitong Setyembre, base sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa SWS, naitala sa 24.8% ang adult joblessness nitong Setyembre kumpara sa 27.6% noong Hunyo.
Gayunman, mas mataas pa rin ng limang porsiyento ang bilang ng mga walang trabaho kumpara sa kaparehong panahon ng 2019, na wala pang COVID-19 pandemic.
Lumitaw din sa survey, na tanging sa Visayas lamang nagkaroon ng bahagyang pagtaas ng mga walang trabaho. Mula sa 21.3% noong Hunyo ay umangat sa 22.6% nitong Setyembre.
Mas marami naman ang mga babae na nagkaroon ng trabaho, habang halos hindi nagbago ang datos sa kalalakihan.
"In rural areas, joblessness fell from 25.3% in June to 20.0% in September. The survey also showed that joblessness dropped sharply among elementary graduates, from 31.5% to 18.7%," ayon sa survey.
Ginawa ang survey noong September 12 to 16, 2021, na may face-to-face interviews sa 1,200 adults (18 years old and above) sa buong bansa--na binubuo ng tig-300 sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ayon sa SWS, ang mayroong itong sampling error margins na ±3% sa national percentages at ±6% sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. —FRJ, GMA News