Arestado ang isang lalaking naaktuhan sa panloloob sa isang bahay sa Tondo, Maynila at ang suspect ay nasa impluwensya umano ng droga.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkules sinabing nahuli sa akto ang isang lalaki sa pangloloob sa isang bahay sa Solis Street sa Tondo, Maynila noong Linggo ng gabi.
Nabulabog umano ang mga may-ari ng bahay nang makarinig sila ng tahul ng aso at tunog ng naglalakad sa ibabaw ng yero.
Paglabas ng bahay, dun na nakorner ng mga may-ari ang suspek na bumababa mula sa bintana.
Kasama ang mga tauhan ng barangay, agad nilang dinala ang lalaki sa presinto. Ayon sa isang opisyal ng barangay, parang saboy umano ang suspek.
Ayon sa ulat, inamin ng suspek na kinilalang si Bernie Dognipa na inakyat niya ang bahay.
Nakuha mula sa suspek ang isang bag na naglalaman ng martilyo, lagaring-bakal, nylon wire at kutsilyo.
Samantala, nawawala ang cellphone ng kapatid ang may-ari ng bahay. Pero hindi ito kasama sa mga item na nabawi mula sa suspek.
Intinanggi ng suspek na may kinuha siyang gamit, pero aminado siyang gumagamit siya ng iligal na droga at dati na ring nakulong dahil dito. —LBG, GMA News