Matapos ang mahigit isang taon, muling nagbabalik ang mga peryahan sa Metro Manila ngayon kapaskuhan. Pero may mga patakaran na kailangang sundin bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinakita ang paghahanda ng mga tauhan at operator ng peryahan sa Libertad at FB Harrison sa Pasay City bago sila magbukas.
Ayon sa operator, nitong nakaraang Biyernes lang sila pinayagan na muling mag-operate ng lokal na pamahalaan.
“Masaya kasi kahit papaano may pang hanapbuhay na 'pag kulang ng perang panggastos,” sabi ng operations manager na si Marty Cordero.
"Masaya sir, kasi po magkakaroon din po kami ng trabaho, bukod po dun marami rin pong masayang tao na napupunta dito,” pahayag naman naman ng basketball game operator na si Ismael Aguilar.
Tinitiyak naman nila na susunod sila sa itinakdang health protocols ng mga awtoridad bilang pag-iingat sa COVID-19. Kabilang ang paglalagay ng disinfecting machine sa entrada ng peryahan.
“Nagpapasok lang kami dito ng mga taong may vaccination card, na complete [vaccinated] po. Tapos sa mga bata naman under 12-years-old kahit walang vaccination basta may magulang na kasama at may vaccine card pwede po,” paliwanag ni Cordero.
“Sana po magtuloy-tuloy na wala nang pandemic, fully vaccinated na po kami,” sambit naman ni Marian Diwa, na nagtitinda ng pagkain sa peryahan.
Hindi lang ang mga operator at manggagawa sa peryahan ang masaya sa kanilang pagbubukas. Natutuwa rin ang mga kliyente nila.
“Importante po kasi at least nakakalabas na sila at hindi na sila nabuburyong sa bahay. Ingat lang po,” sabi ng isang magulang na kasama ang mga anak sa peryahan.
Nasa alert level 2 pa rin ang Metro Manila hanggang sa December 15, batay sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Nitong Martes, inihayag ng Department of Health (DOH), na 235 ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19.
Higit na marami naman ang mga bagong gumaling na pasyente na 780.
Bumaba sa 10,526 ang mga active cases, at 10 ang nadagdag sa bilang ng mga pumanaw. --FRJ, GMA News