Inihayag ng BDO Unibank Inc. na sinimulan na nila ang pagproseso sa halos 700 kliyente nila para ibalik ang kanilang pera na nawala matapos mabiktima ng unauthorized bank transfers.
“We have requested our clients to go to their branch of account and submit documentation to get the refund. The Bank will shoulder the losses perpetuated by this cybercrime incident,” ayon sa BDO sa isang pahayag nitong Martes.
Masusi rin umanong makikipagtulungan ang bangko sa mga awtoridad at sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para hindi na maulit ang insidente.
Nitong weekend, inilahad ng mga biktima sa social media ang nangyaring pagkabawas ng laman ng kani-kanilang bank account kahit hindi nila awtorisado.
Lumitaw na ang nawalang mga pera ay pumasok sa account ng isang "Mark Nagoyo" sa Union Bank of the Philippines (UBP).
Sinasabing inilipat ang mga nakuhang pera sa mga pekeng account para kumuha ng cryptocurrencies.
Una rito, tiniyak ng BDO na patuloy nilang pinapaigting ang kanilang cybersecurity para maprotektahan ang pera ng kanilang mga kliyente.
Bumuo naman ang task force ang BSP para imbestigahan ang nangyari. Kasama rito ang rekomendasyon kung anong parusa ang puwedeng ipataw kung may nangyaring kapabayaan.
Nauna nang hiningan ng GMA News Online ng pahayag ang UnionBank tungkol sa insidente. Patuloy pa umano nilang iniimbestigahan ang insidente.--FRJ, GMA News