Opisyal nang iniatras ni Senador Bong Go ang kaniyang kandidatura sa pagka-pangulo sa Eleksyon 2022 matapos siyang magtungo sa tanggapan ng Commission on Election sa Maynila nitong Martes.
"Mayroon po akong isang salita," sabi ni Go sa mga mamamahayag matapos bawiin na ang kaniyang Certificate of Candidacy.
Sa tweet ni Comelec spokesperson James Jimenez, ipinakita niya si Go habang inaasikaso ng mga kawani ng Comelec.
May nakalagay itong caption na, "Withdrawn."
Unang inihayag ni Go na aatras na siya sa pagtakbong pangulo ng bansa noong Nobyembre 30. Idinahilan niya na tutol ang kaniyang pamilya sa kaniyang pagkandidato at ayaw din niyang mahirapan si Pangulong Rodrigo Duterte na ikampanya siya.
Nobyembre 13 nang ihain ni Go ang kaniyang COC bilang substitute candidate at standard bearer ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS).
Dahil sa pag-atras ni Go, naghihintay ang mga kaalyado ni Pres. Duterte--tulad ng PDP-Laban wing ni Energy Secretary Alfonso Cusi--kung sino ang kanilang susuportahan sa pagka-pangulo sa May 2022 elections.
"PDP-Laban we will endorse whoever will align with the policies of the Duterte administration and will continue the agenda of change that remain popular because these are being felt by the masses such as tough [stance] against drugs, criminality, corruption, and terrorism, as well as efficient implementation of socio-economic and infrastructure programs to guarantee recovery from the pandemic," ayon kay Melvin Matibag, secretary general ng PDP-Laban. —FRJ, GMA News