Ibinalik na sa P8 ang minimum fare ng mga pumapasadang tricycle sa lungsod ng Mandaluyong dahil na rin sa pagluwag ng quarantine restrictions sa Kamaynilaan.
Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB nitong Sabado, sinabing nagpasya ang pamahalaang-lungsod na ibalik sa P8 ang minimum fare kasunod ng pagpayag na ibalik na rin sa tatlong pasahero ang maaaring isakay bawat pumapasadang tricycle.
Mininum na pamasahe sa tricycle sa Mandaluyong City, ibinalik na sa ?8.00. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/bQgds9wAzd
— DZBB Super Radyo (@dzbb) December 11, 2021
Ayon sa ulat, noong nakaraang taon ay ginawang P20 ang minimum fare sa mga tricycle sa lungsod dahil isang pasahero lamang ang pinapayagang isakay, sanhi ng quarantine restrictions dahil sa banta ng COVID-19.
Dahil unti-unti na umanong pagluwag sa restrictions at nabawasan na ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod, pinayagan na ulit ang pagsasakay ng hanggang sa tatlong pasahero.
Bukod sa P8 na minimum na pamasahe, magdadagdag ng P1 sa kada dagdag na kilometro, at P7 naman ang discounted na minimum fare para sa mga estudyante, PWD, at mga senior citizen na magpapakita ng kaukulang ID, alinsunod na rin sa kanilang city ordinance. —LBG, GMA News