Dahil sa banta ng Omicron variant ng COVID-19, pinayuhan ng Civil Service Commission (CSC) ang mga kawani ng gobyerno na gawing virtual ang pagdaraos ng mga party ngayong kapasukuhan sa halip na face to face.
Ayon kay CSC chairperson Alicia dela Rosa-Bala, hindi dapat balewalain ang banta ng Omicron variant na dahilan ngayon pagsasara ng border ng ilang bansa at pagpapatupad ng panibagong lockdown.
Bagaman pinapayagan ang physical gatherings sa ilang sitwasyon batay sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) at local government units, sinabi ni Dela Rosa-Bala, na mas ligtas kung gagawing virtual ang pagdiriwang.
“Virtual celebrations, on the other hand, are much safer and allow agencies to hold a simultaneous gathering for all their employees across the regions. It just requires a little more creativity to make it engaging and enjoyable even without face-to-face interaction,” payo ng opisyal.
Ayon pa kay Dela Rosa-Bala, magkakaroon ng epekto sa paghahatid ng serbisyo sa publiko kapag nagkaroon ng hawahan sa mga kawani ng gobyerno.
Nagbabala ang opisyal na hindi dapat maapektuhan ang serbisyo sa publiko sa panahong ito ng kapaskuhan.
“Offices may opt to conduct these activities outside office hours or ensure adequate skeletal workforce to attend to their clients and other urgent matters during official business hours,” aniya.
Una nang inihayag ng Department of the Interior and Local Government na pinapayagan ang in-person Christmas parties sa mga lugar na nasa COVID-19 Alert Level 2. Pero kailangang sundin ang health protocols at 50% ang capacity limit sa lugar na pagdarausan ng selebrasyon.
Nagpayo rin ang Department of Health (DOH) na gawing virtual ang mga selebrasyon ngayong Pasko dahil pa rin sa pandemic kahit pa bumababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.—FRJ, GMA News