Humingi ng paumanhin sa mga naabala ang kampo ni presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa pagbigat ng daloy ng trapiko na idinulot ng kanilang caravan sa Quezon City nitong Miyerkules ng umaga.
Sa isang pahayag, sinabi ni Attorney Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, na hindi inasahan ng mga nag-organisa ng motorcade ang napakarami umanong dadalo sa caravan sa dumaan sa Commonwealth Avenue.
"Humihingi na rin ng paumanhin at pang-unawa ang BBM-Sara UniTeam sa mga motorista, biyahero, pamahalaang lungsod at maging sa MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) kung ang nasabing Unity Caravan ay nagdulot ng pagsikip sa daloy ng trapiko," ani Rodriguez.
Una rito, naglabas ng abiso ang Quezon City government para sa mga motorista na maghanap ng ibang madadaanan dahil sa mabigat na daloy ng trapiko na dulot ng isang "political event."
Kasama ni Marcos sa caravan ang vice presidential aspirant na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Nagsuot ng damit na pula at berde ang kanilang mga tagasuporta na sumama sa caravan, kabilang ang mga motorcycle rider.
Dumalo rin si Anakulusugan party-list Representative Mike Defensor, na tumatakbong mayor sa Quezon City. Kasama niya ang running mate, Councilor Winnie Castelo, House Majority Leader Martin Romualdez, at Quezon City lawmakers Precious Castelo at Onyx Crisologo, at si dating Quezon City Representative Bingbong Crisologo.
Nagpasalamat naman ang kampo ni Marcos sa lokal na pamahalaan ng Quezon City sa ibinigay na tulong sa pagdaraos ng caravan kahit pa magkaiba umano ang kanilang posisyon sa pulitika.
Si Marcos ang standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas, ang running-mate niyang si Mayor Sara, ay chairperson ng Lakas-Christian Muslim Democrats.—FRJ, GMA News