Naglabas ng Executive Order 152 si Pangulong Rodrigo Duterte na nag-uutos sa pribado at pampublikong sektor na Lapulapu at hindi Lapu-lapu ang tamang baybay sa pangalan ng kauna-unahang bayaning Filipino.
Sa naturang kautusan, ipinaliwanag na unang naisulat ang pangalan ng bayani ng Mactan sa Latin alphabet bilang "Cilapulapu," na ang "Ci" na isang titulo sa pagkilala. Ginamit din umano ng mga bayaning sina Jose Rizal at Juan Luna ang naturang kataga bilang "Si Lapulapu."
"The name Lapulapu is understood to refer to the Filipino hero who bravely and victoriously fought in the Battle of Mactan [against the Spaniard colonizers] in the 16th century. Thus, all references to the name "Lapu-Lapu" in EO No. 17, as amended, and EO No. 55, as amended, are hereby amended to read as Lapulapu," alinsunod sa kautusan.
"Adopting a common rendering of the name of Lapulapu, so as to conform to earlier references, will aid in the education of our youth about Philippine history which is foundational to the formation of national identity," sabi pa sa EO 152.
Nakasaad din sa EO 152 na inaatasan ang lahat ng government agencies at instrumentalities, kasama na ang government-owned or -controlled corporations, mga state universities and colleges, at pati na ang local government units, non-government organizations, civil society groups, at private sector na gamitin ang baybay na Lapulapu, "when referring to the name of the first Filipino hero."
Nakasaad din sa EO, na ang mga lugar na pinangalanang Lapu-Lapu tulad sa isang lungsod sa Cebu ay mananatili na lang sa kasalukuyang baybay.
Noong nakaraang Enero, inihayag ng National Quincentennial Committee (NQC) na Lapulapu ang tamang baybay sa pangalan ng bayani.
“With the consent of the National Historical Commission of the Philippines (NHCP), the NQC will use ‘Lapulapu’ as the name of the Mactan leader,” ayon sa pahayag ng NQC na batay sa pagsusuri na isinumite nila kay Duterte.
Binanggit ng NQC na ang pangalang isinulat ni Antonio Pigafetta sa kaniyang akda na Magellan-Elcano expedition ay "Çilapulapu."
Ayon sa NQC, ang “Çi” ang pangalan ng bayani “is most likely the ancient honorific title “Si.”
Batay umano sa pag-aaral ng mga dalubhasa, ang “Çi” ay sinaunang porma ng Hindu title na “Sri,” na patungkol sa isang "nobleman." — FRJ, GMA News