Dalawampung bahay ang natupok nitong Lunes ng gabi sa Barangay Pulang Lupa Dos, Las Piñas City.

Nangyari ang sunog sa isang residential compound sa River Drive, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.

Umabot ang sunog sa ikalawang alarma bago ito naging under control pasado alas-dose ng madaling araw.

Pasado alas-tres naman ng madaling araw ito tuluyang naapula.

Nasugatan naman ang firefighter volunteer na si Jesus Abayon nang mahulog ito habang inaapula ang apoy. Nabigyan na siya ng paunang lunas.

Ayon sa Bureau of Fire Protection-Las Piñas, masikip ang kalsada papunta sa naturang lugar.

Wala halos naisalbang gamit ang mga apektadong residente.

Kasalukuyang tumutuloy ang mga residente sa covered court ng barangay, at doon na sila nagpalipas ng gabi sa mga modular tent na itinayo doon.

Tinatayang aabot sa P300,000 ang damage to property sa insidente.

Humihingi naman ng tulong ang mga residente para makapagsimula muli.

Nakipag-ugnayan na ang disaster office ng local government pati na ang Department of Social Welfare and Development upang matulungan ang mga apektadong residente. —KG, GMA News