Tatlong mag-aaral ang nasawi, habang anim ang sugatan matapos mamaril sa loob ng eskwelahan ang isang 15-anyos na estudyante sa Michigan, USA.

Sa ulat ng Reuters, sinabi ng Oakland County Sheriff's office na nangyari ang insidente sa Oxford High School.

"The suspect fired multiple shots," ayon kay Undersheriff Michael McCabe.

"There's multiple victims. It's unfortunate I have to report that we have three deceased victims right now, who are believed to be students," dagdag niya.

Kabilang ang isang guro sa mga nasugatan.

Ayon kay McCabe, hindi na pumalag at nasa kostudiya na ng mga awtoridad ang 15-anyos na suspek. Nasa 15 hanggang 20 ang ipinutok ng suspek gamit ang semi-automatic handgun.

"The whole thing lasted five minutes," sabi pa ni McCabe.

Naniniwala ang mga awtoridad na mag-isa lang na ginawa ng suspek ang krimen.

Patuloy pa ang imbestigasyon kung bakit namaril ang suspek.-- Reuters/FRJ, GMA News