Isang petisyon ang inihain sa Commissions on Elections (Comelec) para hilingin na ibasura ang certificate of candidacy (COC) sa pagka-senador ng broadcaster na si Raffy Tulfo sa Eleksyon 2022.

Sa online press briefing nitong Huwebes, sinabi Comelec spokesperson James Jimenez, na isang nagngangalang Julieta Pearson ang naghain ng petisyon.

“I just have the name that file it is Julieta Pearson filed on October 25,” ayon kay Jimenez.

Hindi naman nakapagbigay ng kopya ng petisyon ang Comelec.

Sinusubukan pang makuha ng GMA News Online ang panig ni Tulfo, na nanguna sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations tungkol sa mga tatakbong senador.

Naghain ng COC si Tulfo noong October 2 bilang independent candidate.

Pero sumama si Tulfo sa isang aktibidad ng presidential aspirant at senador na si Ping Lacson sa Cavite, bilang guest candidate.--FRJ, GMA News