Nabawi ng isang 20-anyos na babae ang nawawala niyang cellphone nang makita niya itong bagsak-presyo na ibinebenta online.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing naaresto sa entrapment operation ng mga pulis sa Sampaloc, Maynila ang suspek na si Romwell Bayani.
Kuwento ng biktima, nakipagtransaksiyon siya sa suspek nang makita niya na ang ibinebentang cellphone ay kamukha ng cellphone niyang nanakaw.
Lalo pang lumakas ang paniniwala ng biktima na cellphone nga niya ang ibinebenta nang sabihin ng suspek ang ilang detalye nito. Kabilang dito ang kawalan ng box, at nasa P23,000 lang ang halaga, na halos kalahati ng orihinal na presyo.
Kaya naman nagsumbong na siya sa mga pulis at inilatag ang entrapment operation.
Paliwanag ni Bayani, hindi niya alam na nakaw ang cellphone na kaniyang ibinebenta.
Sinabi naman ng mga awtoridad na bahagi si Bayani ng organisadong grupo na nagnanakaw ng mga gadget at saka ibebenta.
Sa pamamagitan ng IMEI number ng cellphone, nakumpirma na ang ibinebentang cellphone ay ang nawawalang cellphone ng biktima.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang talagang magnanakaw ng cellphone, habang mahaharap sa reklamong paglabag sa Anti-Fencing Law si Bayani.--FRJ, GMA News