Dalawang bangka ng Pilipinas na magdadala ng supply sa mga sundalong nagbabantay sa Ayungin Shoal ang hinarang at binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard vessels noong Martes, ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., nitong Huwebes.

Batay sa ulat mula sa Western Command ng Armed Forces of the Philippines, sinabi ni Locsin na ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas ay may dalang mga pagkain para sa mga sundalong nasa Ayungin Shoal, o Second Thomas Shoal.

Dahil sa ginawa ng mga Tsino, napilitang umatras ang dalawang bangka ng Pilipinas, ayon sa kalihim.

Dahil sa insidente, sinabi ni Locsin na ipinarating niya "in the strongest terms" kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at sa kaniyang Chinese counterpart sa Beijing, na kinokondena, galit at ipinoprotesta ng Pilipinas ang ginawa ng kanilang Chinese coast guard.

"I reminded China that a public vessel is covered by the Philippines-United States Mutual Defense Treaty," ayon pa kay Locsin.

Sinabi ni Locsin na ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Kalayaan Island Group (KIG), na sakop ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas.

"The acts of the Chinese Coast Guard vessels are illegal. China has no law enforcement rights in and around these areas. They must take heed and back off," giit niya.

"The Philippines will continue to provide supplies to our troops in Ayungin Shoal," sabi pa ng kalihim. "We do not ask permission to do what we need to do in our territory."

1 oras na binomba ng tubig

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., na isang oras tumagal ang ginawang pambobomba ng tubig ng mga barko ng Tsino sa mas maliit na sasakyang pandagat ng Pilipinas.

Idinagdag ni Esperon, pinuno ng National Task Force on West Philippine Sea, na namonitor nila kamakailan ang 19 Chinese maritime militia ships sa Ayungin Shoal, na tinawag niyang "unusual."

"Unusual yung presence nila sa Ayungin. There were about... usual diyan mga dalawang Chinese maritime militia lang pero for the last week merong 19," paliwanag niya.

Bilang reaksiyon sa insidente, sinabi ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles na, "the Philippines will continue to assert our sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction over our territory."

Hindi ito ang unang pagkakataon na hinarang ng mga barko ng Tsina at binomba ng tubig ang grupong magdadala ng supply sa mga sundalo sa Ayungin Shoal.


--FRJ, GMA News