Arestado ang isang lalaking nagbebenta online ng mga sasakyan na umano’y bagsak-presyo, gamit ang mga pekeng dokumento, ayon sa ulat ni John Consulta sa "Unang Balita" nitong Huwebes.
Nasapul sa video ang paghuli sa suspek ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kinilala sa ulat ang suspek na si Jake Pangilinan, 30-anyos.
Pahayag ng mga complainant, nagbebenta online ang suspek ng bagsak-presyong mga sasakyan na kanyang nakukuha sa mga casino at mga alok ng "pasalo."
Hindi naman itinanggi ng suspek ang bintang, at ayon sa kanya, aabot na sa 30 ang mga sasakyang naibenta niya -- na kinabibilangan ng van, kotse, at SUV -- sa kanyang mga nakatransaksyon.
Ayon kay Pangilinan, sadyang walang mga dokumento ang mga nabibiling kotse kaya pinapaayos na lamang niya kahit na peke.
Mahaharap ang suspek sa posibleng mga kasong estafa in relation to Cybercrime Prevention Act of 2012, at Falsification of Documents. —Sherylin Untalan/LBG, GMA News