Sinabi ni Senador Sonny Angara na walang record sa Bureau of Customs ang dalawang mamahaling sasakyan ng dalawang opisyal ng kontrobersiyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Inihayag ito ni Angara nitong Miyerkules sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2022 national budget, makaraang alamin ni Senador Richard Gordon kung mayroon impormasyon ang BOC tungkol sa mga mamahaling sasakyan ng mga opisyal ng Pharmally.
“We’ve actually received some information already from Commissioner [Rey] Guerrero…I think you wrote to him also regarding the vehicles involving some of the personalities of the Blue Ribbon,” ayon kay Angara.
“According to him, all of the vehicles have appeared in their records as having gone through the process, the legal processes and the payment of taxes and duties except for the 2021 Porsche 911 Turbo S and the 2021 Lexus RCF,” patuloy ng senador.
Noong September 17 hearing, sinabi ni Gordon na kumuha si Pharmally corporate secretary Mohit Dargani ng Porsche 911 Turbo S, habang Lexus RCF naman sa director ng kompanya na si Linconn Ong.
Iniimbestigahan ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Gordon, ang Pharmally dahil sa nakuha nitong bilyon-bilyong halaga ng kontrata sa gobyerno tungkol COVID-19 supplies, na umano'y overpriced.
Sa naturang mga pagdinig, nanindigan ang mga opisyal ng Pharmally na walang iregularidad sa kanilang transaksyon.
Kasabay nito, sinabi ni Angara na nagpalabas ng kautusan si Bureau Internal Revenue Commissioner Cesar Dulay, para magsagawa ng audit sa binayarang buwis ng mga tao at kompanyang iniimbestigahan ng komite ni Gordon.
“And also [the] commissioner has also given us a copy of this his internal memo to at least 11 regional directors of the BIR and attention to at least 20 revenue district officers for the conduct of an audit investigation for taxable years 2019 and 2020 with the list of the taxpayers to assess their potential liabilities and any potential penalties that could be levied," ayon kay Angara.
Pero tutol si Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang mga regional department ng BIR ang magsasagawa ng imbestigasyon.
“We are surprised by that, can we have a special tax audit of these companies since these are very substantial amounts and alam niyo po pag binigay mo na sa regional offices ito wala nang mangyayari,” ayon kay Drilon, na mas gusto na bumuo ng special team ang head office ng BIR para sa isasagawang audit. --FRJ, GMA News