Isang babae sa Caloocan City ang tinekitan ng pulis pero wala pang multa dahil sa paglalakad umano niya sa kalsada nang naka-short pants, na labag daw sa ordinansa ng lungsod.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing sa social media naglabas ng saloobin ang babae na itinago sa pangalang "Carmina."
Ayon kay Carmina, lumabas siya ng bahay at magde-deliver sana ng produkto nang sitahin siya ng pulis at tiketan.
Warning pa lang ang tiket at wala pang multa dahil unang paglabag pa lang naman daw iyon ng babae.
“Akala ko po tungkol po sa mask yung nilapit niya sa akin kasi po hawak ko po yung mask ko noon. Ang sabi niya po yung maikling short daw titiketan daw po niya ako. Tapos sabi ko paano po yun sir hindi ko po alam na bawal ang maiksing short,” kuwento ni Carmina.
“Halos lahat naman po talaga naka-short na po eh sabi nga po ng matatanda doon paano naman kami nagso-short din huhulihin din ba nila matanda na kami,” dagdag niya.
Ayon kay Caloocan Mayor Oscar Malapitan, papaimbestigahan niya ang insidente.
Base sa city ordinance na ipinasa noong 2007, nagtakda ng "dress code in public places" ang lungsod, kung saan inaatasan ang publiko na magsuot ng tamang damit sa mga pampublikong lugar.
Kabilang sa probisyon ang pagtatakda sa mga nagtitinda sa palengke na bawal ang nakahubad, at naka-short, sando o sleeveless o sira-sirang damit.
Ayon kay University of the Philippines (UP) law professor Atty. Rowena Daroy-Morales, maraming "butas" sa naturang ordinansa.
Kabilang ang kawalan ng malinaw na pagtukoy kung ano ang tama o katanggap-tanggap na kasuotan na dapat isuot ng publiko.
Dahil dito, maaari umanong kuwestiyunin ang legalidad ng ordinansa.
“Every law and an ordinance is a law, is presumed constitutional unless it is questioned. So it is the court that will say it is against the law or it is not in violation of the law,” ani Daroy-Morales.
“Ordinance is valid until it is attacked on the basis of constitutionality,” patuloy niya.--FRJ, GMA News