Inihayag ng tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) na puwedeng tumakbo sa pambansang posisyon si Davao City Mayor Sara Duterte bago ang deadline sa "substitution" ng mga kandidato sa Nobyembre 15, 2021.
Gayunman, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez, na hindi maaaring tumakbo sa isang national post si Duterte kung ang gagamitin niyang partido ay ang regional party na Hugpong ng Pagbabago.
"Political party po 'yan [Hugpong ng Pagbabago] pero regional. So hindi siya puwedeng tumakbo sa national level except as an independent candidate," paliwanag ni Jimenez sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules.
Nitong nakaraang buwan, naghain ng kaniyang certificate of candidacy si Mayor Sara, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, para tumakbong muli bilang alkalde.
Pero nitong Martes, iniurong ni Sara ang naturang COC, at sinabing ang kapatid niyang si Sebastian "Baste" Duterte, incumbent Davao City vice mayor, ang papalit sa kaniya bilang mayoralty candidate.
Dahil dito, iniurong din ni Baste ang kaniyang COC sa pagka-bise alkalde, at sinabing papalit sa kaniya bilang kandidatong vice mayor si Davao City Councilor Melchor Quitain Jr.
Ayon kay Jimenez, kailangang maging miyembro ng isang political party si Sara ng kandidatong papalitan niya sa national post kung kakandidato talaga ito.
"Ang kailangan lamang ay maging member siya ng political party noong taong isa-substitute niya. Ibig sabihin hahalili siya sa ibang tao, kailangan kapartido siya ng taong 'yon," paliwanag ng opisyal.
Habang isinusulat ito, wala pang opisyal na pahayag si Mayor Sara kung tatakbo nga siya sa pambansang posisyon at kung saan partido siya aanib.
"Basta on or before November 15, kailangan party member na siya," sabi ng tagapagsalita ng Comelec.
Sa hiwalay na panayam sa telebisyon, sinabi ni Albay Representative Joey Salceda, na naniniwala siyang tatakbong pangulo ang alkalde.
"May presumption kami na she's running for president. There is no VP option for her," ayon sa mambabatas sa panayam ng ANC.
Inihayag din ni Salceda na nais umano ni Mayor Sara na maging susunod na lider ng bansa.
"She didn't change her mind. She wanted to be president," ani Salceda. "She wanted to run for president kaso may stumbling blocks that were thrown at her."
Sinabi rin ng kongresista na posibleng sa ilalim ng Lakas-CMD tumakbo si Mayor Sara at hindi sa partido ng kaniyang ama na PDP-Laban. --FRJ, GMA News