Bukas ang businessman na si Ramon Ang sa posibilidad na ibenta muli sa gobyerno ang Petron.
Sinabi ito ni Ang, presidente at chief executive officer ng Petron Corporation, nitong Lunes sa briefing ng House ways and means committee ukol sa pag-monitor ng presyo ng mga produktong petrolyo at sa mga proposal na isuspinde o bawasan ang excise tax sa fuel.
Ani Ang, puwede raw niyang ibenta ang Petron sa gobyerno "anytime" at bayaran na lang siya "at market valuation" sa susunod na limang taon.
"'Yung sina-suggest na bilhin ng gobyerno 'yung Petron, privatization, anytime po. Puwede ko pa ipautang sa Philippine government. Bilhin ninyo ito ng over five years to pay. Ano ho 'yan, I swear kung gusto ng gobyerno bilhin, handa niyo na, sabihin niyo na, bebenta ko kaagad sa inyo. Pagawaan niyo na ng valuation immediately, walang arte-arte," sabi ni Ang sa mga kongresista.
"Kung sa tingin ninyo jackpot 'yung negosyong 'yan, let the government buy it. Market valuation 'yan. 'Di ko kailangan tubuan ang gobyerno," dagdag niya.
Dating pagmamay-ari ng gobyerno ang Petron Corporation.
Sa House Bill 244, ang panukalang batas na isinumite nina Bayan Muna party-list Representatives Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, nakasaad ang re-nationalization ng Petron Corporation.
Dahil daw sa privatization, liberalization, at deregulation ng oil industry, nahayaan na tumaas nang tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Kung maipapasa ang kanilang panukalang batas, masisiguro ang tamang presyo ng mga produktong petrolyo, saad ng mga may-akda nito.
"This bill requires, as an imperative for an urgent and long-term response to the looming crisis, the renationalization of Petron Corporation, so that the valuable government asset can truly fulfill the responsibility of the State to ensure public welfare through fair and regulated prices," saad sa panukalang batas na isinumite nila noon pang 2019.
Samantala, may mga bill at resolusyon nang ipinasa na nagpapataw ng suspensyon o pagbawas ng excise tax sa mga produktong petrolyo bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga ito.
Sa House Bill 10438 na isinumite ni Albay Representative Joey Salceda, nakasaad ang pagbawas ng excise tax sa mga produktong petrolyo mula Disyembre 1, 2021 hanggang Hunyo 1, 2022 dahil ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga ito ay makakaapekto raw sa economic recovery at price stabilization.
Samantala, hinimok naman ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro City Representative Rufus Rodriguez ang House of Representatives na ipasa na nitong linggong ito ang kanyang panukalang isuspinde ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Sa kanyang panukalang House Bill No. 10246, isususpinde ng apat na taon ang excise taxes sa mga produktong petrolyo na ipinataw base sa Section 43 ng Republic Act No. 10963, o ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
"The Speaker wants the proposed tax reduction approved immediately or as soon as possible. So let’s do it before the week is over, on the first week of our resumption of session," ani Rodriguez sa isang statement.
Matapos ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, inaasahan namang bababa nitong linggong ito ang presyo ng mga ito. —ulat ni Anna Felicia Bajo/KG, GMA News