Puwede nang mag-mall ang mga menor de edad sa Metro Manila matapos ibaba sa Alert Level 2 ang COVID-19 restriction sa rehiyon, ayon sa Department of Health nitong Biyernes.

Sa press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, puwede nang bumisita sa mga establisimyento ang mga bata, at pati na sa malls.

“[N]akalagay po mismo sa resolution ng IATF, ano man pong edad na meron, maari na tayong pumunta dito sa mga establishments na ito,” paliwanag ni Vergeire nang tanungin kung puwede sa malls ang mga bata kahit hindi pa natuturukan ng COVID-19 vaccines.

“But the establishments have to enforce ‘yung 50% capacity indoors and 70% capacity outdoors… this will not differentiate between vaccinated and unvaccinated,” paliwanag niya.

Idinagdag pa ng opisyal na, “Kailangan lang ho namin ipagbigay alam at bigyan ng assurance ang ating mga kababayan, ang mga bata po kasi they are the least vulnerable… as long as we do the safety protocols, mothers will protect them. They are vaccinated.”

Sa kani-kanilang Facebook page, inihayag ng ilang malls na handa na silang tanggapin ang buong pamilya, pati na ang mga bata.

   


 

Tinawag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos na "very historic" ang araw na payagan ang mga bata na makalabas na matapos ang halos dalawang taon na pananatili sa mga bahay dahil sa COVID-19 pandemic.

“This is very historic because after two years, ngayon lang makakalabas ang minors under Alert Level 2. Intrazonal and interzonal shall be allowed, that is a significant development here,” anang opisyal.

Pero paalala ni Abalos, batay sa resolusyon ay dapat kasama ng mga menor de edad ang kanilang mga magulang kapag lumabas.

Ipinatupad ang Alert Level 2 sa NCR simula nitong Biyernes at tatagal hanggang sa November 21, 2021, upang pag-aralan muli ng mga eksperto ang magiging alert restrictions sa rehiyon. --FRJ, GMA News