Inihayag ng Malacañang na nagbibiro lang si Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin nito sa isang talumpati noong 2017 na nagnakaw siya sa pondo ng bayan.

"I think it was a joke," ayon kay presidential spokesperson Harry Roque sa press briefing nitong Biyernes. "Hindi siya tatagal kung siya ay corrupt."

Saad noon ng pangulo sa kaniyang talumpati: "Marami rin akong ninakaw pero naubos na. Corruption is really out during my term."

Nabuhay ang naturang pahayag ni Duterte nang banggitin ito ni Senador Richard Gordon, ilang araw matapos sabihin ng una na hindi siya mahahalal na pangulo kung siya'y tiwali.

Ayon kay Roque, sa 40 taon sa pulitika ni Duterte ay hindi naisyuhan ng "notice of disallowance"  ng Commission on Audit ang pangulo.

"COA never issued a notice of disallowance, unlike in the case of Senator Gordon," pasaring ni Roque.

Dati nang sinabi ni Duterte na nagpalabas ang COA ng P140 milyon na halaga ng notice of disallowance kay Gordon noong pinamumunuan ng huli ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Sinabi naman ni Gordon, na handa niyang harapin ang imbestigasyon tungkol sa pondo ng SBMA sa ilalim ng kaniyang pamamahala.

Naging mainit ang palitan ng alegasyon nina Duterte at Gordon, kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee, sa kinukuwestiyong kontrata na pinasok ng Department of Budget and Management-Procurement Service sa mga pribadong kompanya noong nakaraang taon para sa pagkuha ng medical supplies para sa COVID-19 pandemic response.

Si Gordon ang tagapangulo ng nasabing komite.

Kabilang sa mga iniimbestigahan ng komite ang dalawang dating opisyal ng administrasyon na sina Michael Yang, isang Chinese businessman at dating presidential economic adviser, at si Lloyed Christopher Lao, dating pinuno ng PS-DBM.—FRJ, GMA News