Nasabat ng mga awtoridad ang mahigit P300,000 halaga ng iligal na droga sa dalawa umanong tulak sa Navotas City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita.
Nagtangka pa raw tumakas ang dalawang suspek nang huhulihin na sila ng pulis 11 p.m. nitong Huwebes ng gabi sa Brgy. NBBS, Kaunlaran, sa Navotas City.
Kinilala ang mga suspek na sina Andrew Guevarra at Dexter Luyon. Nakuha sa kanila ang mahigit P300,000 halaga ng pinaghihinalaang shabu, isang baril at mga bala.
Ayon sa pulisya, umiikot ang mga suspek sa Metro Manila para magbagsak ng droga. Tumanggi namang humarap sa camera ang mga suspek pero iginiit nila na hindi sila tulak ng droga.
Mahaharap ang dalawa sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —Sherylin Untalan/KBK, GMA News