Nasakote ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang opisyal ng isang kompanya na sangkot umano sa investment scam at nakatangay ng P8 milyon sa mga nagrereklamo.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, makikita na puwersahang isinama ng mga operatiba ang suspek na si Jose Tirado II, matapos umanong hindi sumama nang maayos nang arestuhin.
Si Tirado ang sinasabing CEO ng Aurea Organica International Health and Beauty Products. Kasama niyang inaresto corporate secretary ng kompanya na si Claire Espiritu.
Ayon sa NBI, nagreklamo ang apat na namuhunan sa kompanya ni Tirado ng aabot sa P8 milyon na pinangakuan ng 12% na balik ng puhunan bawat buwan.
Sinabi ni Head Agent Palmer Mallari, chief, NBI Anti Fraud Division, na lumitaw na hindi rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang kompanya at wala ring secondary license.
Ayon pa sa ulat, sinikap na kunin ang pahayag ng mga umaresto pero tumanggi silang magbigay ng pahayag.
Mahaharap ang dalawa sa mga reklamong estafa at paglabag sa Securities and Regulation Code.
Umapela din ang NBI sa mga mambabatas na amyendahan ang batas para mabilis na ma-freeze ang bank account ng mga inirereklamo at hindi mailabas ang pera.--FRJ, GMA News