Nakapagtala ng 1,591 new COVID-19 cases ang Pilipinas, batay sa inilabas na datos ng Department of Health nitong Miyerkules. Pero nananatiling mataas ang bilang mga pasyenteng "severe" at "critical" ang kalagayan sa ospital.

Ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 nitong Miyerkules ang pinakamababa mula noong February 24 na umabot ng 1,557.

Ayon sa DOH, mayroong pitong laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa takdang oras.

Inihayag din ng kagawaran na batay sa ulat noong Nobyembre 1, umabot sa 29,489 ang isinailalim sa COVID-19 test, at 5.6 porsiyento nito ang nagpositibo sa virus.

Nananatili naman sa 38,041 ang mga aktibong kaso, o mga pasyenteng nagpapagaling o patuloy na ginagamot.

Sa nasabing bilang ng mga active cases, 69.4% ng mga pasyente ang nakararanas ng "mild" symptom, 5.2% ang "asymptomatic," 13.87% ang "moderate," 8.1% ang "severe," at 3.4% ang kritikal ang kalagayan.

Nadagdagan ng 4,294 ang mga bagong gumaling, samantalang 186 na pasyente ang nadagdag pa sa bilang ng mga nasawi.

Nakasaad din sa ulat ng DOH na mayroong 132 cases na dating nakalagay sa bilang ng mga gumaling ang inilipat sa bilang ng mga nasawi matapos ang isagawang final validation sa mga datos.—FRJ, GMA News