Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) tungkol sa mga nagkalat na pekeng pera ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, inilahad ng BSP na nakumpiska nila ang halos 500 piraso ng pekeng pera sa nakalipas na siyam na buwan.
Kadalasang pinepeke ang mga P1,000 na papel de bangko, kaya nagbabala ang Bangko Sentral sa publiko na suriing mabuti ang pera sa pamamagitan ng pagtingin sa papel at pagsalat ng imprenta.
Isa pang paraan ang pagsuri ng windows security thread na makikita kapag ginagalaw ang pera.
Bukod dito, dapat ding nakikita ang watermark ng mga taong nasa pera. --Jamil Santos/FRJ, GMA News