Aalisin na general curfew sa National Capital Region simula sa Huwebes, November 4, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos.

Sa ulat ni Allan Gatus sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabi ni Abalos na plano ng ilang lokal na pamahalaan na panatilihin ang curfew sa mga menor de edad.

Simula noong October 13, itinakda ang curfew sa Metro Manila ng 12 midnight hanggang 4 a.m.

Sa nakaraang pahayag, sinabi ni Abalos na pumayag ang mga mall operator na palawigin ang kanilang operating hours kaugnay na rin ng holiday season. Pero nag-aalala sila sa curfew at limitadong masasakyan ng publiko.

Iminungkahi ni Abalos na habaan ang mall hours dahil dumadami na ang mga sasakyan sa EDSA na magdudulot ng pagbigat sa daloy ng trapiko.

Upang mabawasan ang mga sasakyan sa rush hour, iminungkahi na palawigin ang mall hours para kahit sa gabi na lang mamimili ang ibang tao.

Kaugnay sa limited capacity sa mga pampublikong transportasyon, sinabi ng opisyal na itinaas na ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang kapasidad ng pasahero sa 70%.

Kasalukuyang nasa Alert Level 3 ang Metro Manila hanggang November 14. —FRJ, GMA News