Umabot sa 2,303 ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas nitong Martes, na pinakamababa mula noong nakaraang Marso. Gayunman, lumitaw na walong laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa takdang oras.

Ayon sa Department of Health (DOH), bumaba sa 40,786 ang active cases. Sa nasabing bilang, 71.2% ang mild cases, 5.1% ang asymptomatic, 7.5% ang severe, at 3.2% ang in critical condition.

Mayroong 4,688 na pasyente na bagong gumaling, at 128 naman ang bilang ng mga pumanaw.

Ayon sa DOH, mayroong 106 cases na dating nasa tala ng mga gumaling ang inilipat sa bilang ng mga pumanaw matapos ang isinagawang final validation.—FRJ, GMA News