Tuloy ang pagkuha ng Commission on Elections (Comelec) sa serbisyo ng F2 Logistics, na pag-aari ng Davao based businessman na si Dennis Uy, para maghatid sa mga lalawigan ng mga gamit sa Eleksyon 2022 tulad ng mga balota at vote counting machines.

Pero ayon sa pollster watchdog na Kontra Daya, dapat bawiin ng Comelec ang ibinigay na kontrata sa F2 Logistics dahil sa "potential conflict of interest."

Bagaman mayroon na umanong track record ang F2 Logistics sa paghahatid ng election materials noong 2019 SK Elections, sinabi ng watchdog's convenor na si Professor Danilo Arao, na mayroon itong usapin ng "ethics and delicadeza."

"Ibang usapin ang presidential elections. Gaya ng nabanggit, P30 million ang binigay ni Dennis Uy sa presidential campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte," ani Arao sa isang radio interview.

Si Uy ay kabilang sa pangunahing contributor sa 2016 presidential campaign ni Pangulong Duterte.

"Hindi na [ito] usapin ng legality. Usapin na po ito ng propriety... Dapat ma-cancel na itong kontrata para walang potential conflict of interest," dagdag niya.

Nagkakahalaga ng P535-milyon ang kontrata na nakuha sa Comelec ng F2 Logistics na naaprubahan umano ng Comelec en banc ang Notice of Award noong August 2021.

Natanggap lamang ng kompanya ang naturang Notice of Award noong Sept. 15.
Sa dokumento, apat na lugar ang sakop ng F2 Logistics sa pagdadalhan ng mga election material at pati na sa pagtatabi ng mga ito sa kanilang bodega.
Ang mga nabanggit na lugar ay ang:

  • Cordillera Administrative Region, Ilocos,  Cagayan Valley at Central Luzon - P106 million
  • Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol Region - P123 million
  • Western Visayas, Central Visayas, at Eastern Visayas - P120.9 million
  • at sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga and Bangsamoro region - P185.9 million.

Nakasaad sa kontrata ng F2 Logistics na ito ang maghahatid ng lahat ng automated election system-related equipment, tulad ng vote counting machines, consolidation and canvassing system machines, official ballots, ballot boxes at election day computerized voters' lists, at iba pa.

"All official ballots dispatched from the NPO and/or other Comelec warehouses must be transported directly to the designated airports/ports of origin from Manila up to the designated consignees nationwide," ayon sa kontrata.

"No unauthorized holding shall be allowed at the Hubs of the provider unless necessity for said holding is clearly established with prior advise to and approval of the Comelec through its PSC," patuloy nito.

Ang F2 Logistics rin ang mananagot kapag may nawala o nasirang mga gamit. Sa loob ng 24 na oras, dapat ipaalam nila sa Comelec kung may nawala o nasirang gamit.

Nagbabala si Arao sa Comelec na ang pinasok na kasunduan sa F2 Logistics ay magdudulot ng pagdududa sa mga botante.

"Sana pakinggan ng Comelec ang hinaing hindi lang ng Kontra Daya. Kasi nandun ang elemento ng agam-agam at kung nandiyan pa rin yan hanggang Mayo anuwebe, talagang magkakaroon ng pagduda iyong mga tao at huwag sana umabot ito sa disenfranchisement," pahayag niya.

"To the point na baka di na sila maboto kasi na-compromise na yung clean and honest elections," dagdag ni Arao.— FRJ, GMA News