Mula sa 62% noong June 2021, bumaba sa 52% ang net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang Setyembre, batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations.
Ayon sa SWS, 67% ng Pinoy ang kontento sa ginagawa ng pangulo, 15% ang hindi, at 11% ang hindi makapagdesisyon.
Mula sa nabanggit na bilang, nakakuha si Duterte ng net satisfaction rating na +52 (% satisfied minus % dissatisfied), na nananatiling “very good.”
Gayunman, ito na ang sunod na pinakamababang rating na nakuha ng pangulo kasunod ng "good" +45 noong June 2018.
Sa ulat ng SWS, lumilitaw na bumababa ang marka ni Duterte sa lahat ng lugar sa bansa maliban sa Mindanao.
Sa Metro Manila, mula sa +63 noong June, dumausdos ang kaniyang net satisfaction rating sa +48 nitong Setyembre.
Sa Balance Luzon, 14 na puntos ang natapyas sa marka ng pangulo na naging +44 mula sa dating +58.
Ang dating +53 na marka ni Duterte sa Visayas noong June, naging +44 nitong Setyembre.
Halos hindi naman gumalaw ang marka ni Duterte sa Mindanao na mula sa +79 ay naging +76.
Ayon pa sa SWS, nabawasan din ang net satisfaction ni Duterte sa urban area na mula sa +65 ay naging +49.
Sa rural area naman, anim na puntos ang natapyas sa net satisfaction ng pangulo na +55 mula sa dating +61.
Ang Third Quarter 2021 Social Weather Survey ay ginawa noong September 12-16, 2021, gamit ang face-to-face interviews sa 1,200 adults (18 years old and above) sa buong bansa.
Ang survey ay may sampling error margin na ±3% sa national percentages at ±6% sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. — FRJ, GMA News