Dalawang driver ang nabiktima ng laglag-plaka modus ng mga kawatan sa Muntinlupa at Parañaque, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Biyernes.
Sa kuha ng CCTV, makikitang pumupuwesto ang isang lalaki sa likod ng SUV na nagpa-park sa harap ng isang fastfood chain sa Parañaque. Sumunod sa kaniya ang tatlong babaeng naka-payong.
Hindi man kita sa CCTV ay kinatok ng lalaki ang driver ng SUV at sinabing nalaglag ang plaka ng sasakyan niya sa likod.
Habang hindi pa lumalabas ang driver ay isang lalaki naman ang nakaabang sa likod ng sasakyan at nang nakitang lumabas na ang driver ay mabilis nitong binuksan ang passenger door.
Natangay ang bag ng driver na ipinasa pa ng salarin sa isang kasamahang babae. Mabilis na nakasibat ang grupo habang ang driver naman ay naiwan sa likod ng sasakyan at tinitignan kung totoong nahulog nga ang kanyang plaka.
Isang mamahaling bag, wallet at 20,000 pesos ang nakuha ng grupo, ayon sa ulat.
Ayon sa Parañaque Police, "laglag plaka" ang tawag sa modus na ito. Tumitiyempo umano ang grupo sa mga sasakyan at sinasabihan ang driver na may nalaglag sa likod ng sasakyan.
Pitong indibidwal ang nakitang magkakasabwat sa modus at gumagamit sila ng payong para maitago sa mga tao ang kanilang ginagawa.
Pagkatapos ng insidente sa Parañaque ay sunod ding nakunan ng CCTV ang grupo sa parking lot ng isang gusali sa Muntinlupa kung saan natangay nila ang gym bag at mamahaling earphones ng biktima.
Ayon sa mga biktima, paglabas nila ng sasakyan ay mayroong mga barya. Sa tingin nila ay inilagay nila ang mga ito upang malito at matagalan sila sa likod habang tinatanggay ang mga mahahalang gamit ng mga driver.
Payo ng Parañaque Police, huwag maniwala agad sa mga kumakatok at nagsasabing nahulog ang kanilang plaka. —Sherylin Untalan/KBK, GMA News