Nakapagtala ng 3,694 na mga bagong COVID-19 cases sa Pilipinas nitong Huwebes, at umabot naman sa mahigit 200 pasyente ang nasawi.
Sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), bagaman mas masami ang new cases ngayong araw kumpara sa 3,218 na naitala nitong Miyerkules, mas nabawasan pa rin ang mga active cases sa 49,835, kumpara sa 50,151 kahapon.
Mayroong 3,924 na pasyente na bagong gumaling, habang 227 naman ang nadagdag sa bilang ng mga pumanaw.
Ito na ang ikalawang sunod na araw na mahigit 200 pasyente ang nasawi matapos maitala nitong Miyerkules ang 271 na mga pasyente na pumanaw dahil sa komplikasyon sa virus.
Sa bilang ngayon ng active cases, nakasaad na 73.4% ang mild, 6.8% ang asymptomatic, 6.2% ang severe, at 2.6% ang in critical condition.
Ayon din sa DOH, mayroong 158 na kaso na unang inilagay sa bilang ng mga gumaling ang inilipat sa bilang ng mga nasawi matapos ang isinagawang final validation.
Isang laboratoryo lang umano ang bigong makapagsumite ng datos sa takdang oras.—FRJ, GMA News