Kinumpirma ni PDP-Laban president at Energy Secretary Alfonso Cusi na hinihikayat ng partido si Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbong senador sa darating na halalan sa May 2022.
Ayon kay Cusi, kung tatakbong senador si Duterte, siya na rin ang magiging campaign manager nina Senador Ronald "Bato" dela Rosa at Christopher "Bong" Go, na presidential at vice presidential bets ng partido sa halalan.
"Now, if the President would not run for vice president because he is firm on his decision not to go back on his word, I said why not run for the Senate so he could bring change there? That will be good for the country," pahayag ni Cusi nitong Miyerkules.
Ayon pa kay Cusi, kung magiging senador si Duterte, maisusulong nito ang mga reporma na nais ng PDP-Laban sa lehislatura.
Naniniwala rin si Cusi na mapapalakas ni Duterte ang Dela Rosa-Go tandem dahil sa mataas na approval rating ng pangulo.
"As I said, he will be our best campaign manager during the campaign," anang kalihim.
Wala rin umanong magiging problema sakaling magpasya si Duterte na tumakbong bise presidente dahil ang Go-Duterte tandem ang orihinal na plano ng kanilang partido, ayon kay Cusi.
Wala pang tugon ang Palasyo tungkol sa pahayag ni Cusi tungkol sa paghikayat kay Duterte na tumakbong senador.
Ang paksiyon ni Cusi sa PDP-Laban ay kinukuwestiyon sa Commission on Elections ng paksiyon sa PDP-Laban kina Sens. Koko Pimentel at Manny Pacquiao. — FRJ, GMA News