Posibleng simulan na ang pagtuturok ng COVID-19 vaccine sa lahat ng mga menor de edad na 12 hanggang 17 sa buong bansa sa Nobyembre 3, 2021, ayon vaccine czar Carlito Galvez Jr.
“We will open up 'yung (vaccination ng) 12 to 17 years old sa November 3 dahil nakita natin na maganda naman ang naging result ng ating trials at pilot sa hospitals. Nakita natin very minimum 'yung adverse effects,” sabi ni Galvez sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Miyerkules.
Umabot umano sa 14,000 na menor de edad na may comorbidities ang nabakunahan na.
"Nakapagbakuna na tayo ng more than 14,000, i-o-open na po natin para wala nang tinatawag nating bottleneck ," dagdag niya.
Ayon pa sa kalihim, maaari na ring magbakuna ang mga pribadong kompanya ng mga adolescent dependent ng kanilang mga empleyado.
"Pwede na po 'yun, just in case sa November 3 pwede na po mag-start. They have to coordinate with the different LGUs...coordinate with the National Vaccination Operation Center para ma-inspect at sa training ," ayon kay Galvez.
Madadagdagan din umano ng 40 hanggang 50 mga ospital sa buong bansa na magbabakuna sa mga menor de edad.
Nitong Lunes, sinabi ni Galvez na target nilang matapos ang pagbabakuna sa mga menor de edad pagsapit ng Disyembre para maprotektahan din sila sa severe COVID-19 infection.
Inihayag ng National Task Force Against COVID-19 na tinatayang 12.7 million adolescents ang target na mabakunahan.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Department of Health (DOH) na patuloy na gagamit ang pamahalaan ng Pfizer at Moderna sa pagbabakuna.
“Further details and the guidelines with regard to the nationwide expansion of pediatric vaccination will be released once finalized,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire. --FRJ, GMA News