Inihayag ng Malacañang nitong Lunes na hindi tatakbo sa national post sa Eleksyon 2022 si Davao City Mayor Sara Duterte, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kasunod ito ng mga espekulasyon na baka maging "substitute candidate" ang alkalde.

Sinabi ito ni presidential spokesperson Harry Roque nang tanungin sa Palace briefing kaugnay sa political plans ng alkalde matapos na makipagkita ang huli kina Cebu Governor Gwen Garcia at dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

Naganap ang pagkikita ng tatlo nitong weekend sa Cebu.

"Ang sabi po sa akin ni Governor Gwen, ang sabi daw ni Mayor Sara on her possibility of running for President, that ship has sailed," sabi ni Roque.

"So talagang mayor ang takbo ni Mayor Sara," dagdag pa ni Roque.

Una rito, sinabi ni Mayor Sara na nakikipag-usap siya sa kampo ni Marcos kung papaano makatutulong ang itinatag niyang regional party Hugpong ng Pagbabago, sa pagtakbo ng dating senador bilang pangulo sa Eleksyon 2022.

Nagtapos nitong Oktubre 8 ang araw ng filing ng certificate of candidacy ng mga kandidato. Naghain ng COC si Mayor Sara para sa muli niyang pagtakbo bilang alkalde ng Davao City.

Gayunman, mayroon pang hanggang November 15 para magpalit ng kandidato o magsumite ng "substitute candidate" ang mga partido.—FRJ, GMA News