Umaabot na sa mahigit 1,400 na mga dating nalulong sa illegal na droga ang natulungan ng drug rehabilitation program ng Archdiocese of Manila mula ng maitatag ito limang taon na ang nakakalipas.
Ayon kay Rev. Fr. Roberto ‘Bobby’ Dela Cruz, priest-in-charge ng Restorative Justice Ministry ng Archdiocese of Manila na nangangasiwa sa programang SANLAKBAY (One Journey) sa Pagbabago ng Buhay kaugnay sa nakatakdang paggunita ng ikalimang anibersaryo ng pagkakatatag sa inisyatibo ng arkidiyosesis bilang tugon sa problema ng ilegal na droga sa bansa.
Ibinahagi ni Fr. Dela Cruz, mula nang maitatag noong taong 2016, umaabot na sa 1,417 drug addicts ang sumailalim sa programa na natulungan at nagabayan ng Sanlakbay upang muling makapagbagong buhay at makabalik sa lipunan bilang isang responsibleng mamamayan.
“Sanlakbay is pastoral accompaniment designed primarily for people who uses illegal drugs. Ever since its conception since 2016, there had been 1,417 drug addicts who enrolled in the program. This was not easy. Trust among stakeholders need to be established. Despite the many challenges, Sanlakbay became the opportunity for the Church, the government and different civilian groups become united towards a common goal,” bahagi ng mensahe ni Fr. Dela Cruz.
Pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang payak na pagdiriwang ng 5th anniversary ng Sanlakbay sa pamamagitan ng isang banal na Misa sa Archdiocesan Shrine of Sto. Nino de Tondo.
Tema ng ikalimang anibersaryo ng Sanlakbay sa Pagbabago ng Buhay ang "Sana All Kapag Tulong-tulong may Pagsulong" na layuning bigyang diin ang patutulungan ng iba't ibang sektor at institusyon sa lipunan upang mapanumbalik ang tiwala at kapanatagan na kinakailangan para makapagbagong buhay ang isang nalulong sa pinagbabawal na gamot o ilegal na droga. —LBG, GMA News