Maagang nagtungo ang mga deboto ng Ina ng Laging Saklolo sa Baclaran Church nitong Miyerkules, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita.

Dahil ibinaba na sa Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR), mas marami na ang puwedeng makapasok at makadalo sa misa sa simbahan lalo na kung sila ay fully vaccinated na.

May ilang deboto rin na sa labas na lamang nagdasal habang ang iba ay nanatiling nakasakay sa kanilang mga motorsiklo o bisikleta.

Umaasa rin ang mga sampaguita vendors na dadami ang kanilang benta sa pagdagsa ng mga deboto ng Ina ng Laging Saklolo.

Ayon sa guidelines ng Parañaque LGU, 30% ang pinapayagan sa indoor religious gathering at 50% naman sa outdoor sa ilalim ng Alert Level 3.

Sa pagpasok sa simbahan ay makikita ang guards na kinukumpirma ang vaccination cards at body temperature ng mga deboto habang pinapanatili parin ang social distancing.

Pinangunahan naman ni Rev. Fr. Jose Dela Cruz ang unang misa nitong Miyerkules. Mayroong 10 misa buong araw hanggang 6:30 ng gabi. —Sherylin Untalan/KBK, GMA News