Kinumpirma ni Senador Manny Pacquiao nitong Biyernes na namigay siya ng pera sa mga tao nang magpunta siya sa Batangas nitong Huwebes. Pero iginiit niyang hindi iyon vote buying.
“Yes, totoo po ‘yan namigay tayo ng tulong, grocery, bigas, at pera na tag-iisang libo,” pahayag niya Pacquiao sa mga mamamahayag.
“Hindi [ito vote-buying] kasi ‘yung pamimigay ng pera at bigas, 2002 ko pa ginagawa ‘yan,” paliwanag niya.
Naghain si Pacquiao ng certificate of candidacy for president sa ilalim ng PROMDI party.
“Mula noon hanggang ngayon, may eleksyon man o walang eleksyon, habit ko na mamigay 'pag nakita ko may nangangailangan, nagugutom,” sabi ni Pacquiao.
Ayon pa sa senador, hindi pondo mula sa gobyerno ang perang ipinamahagi niya.
“Ito parang pilosopo. Ano gusto niyo mamigay ako ng pera o magnakaw ako?” tanong niya.
Nitong Huwebes, nagpunta si Pacquiao sa Balayan, Batangas at namahagi ng relief packs sa may 7,000 biktima ng Taal Volcano eruption.
Bago nito, binisita ni Pacquiao sina Lipa City Mayor Eric Africa, Senate President Pro Tempore Ralph Recto at misis nito na si Batangas Congresswoman Vilma Santos-Recto. --FRJ, GMA News