Ibinida ng pharmaceutical firm na Merck, na mabisa ang kanilang gamot na "molnupiravir" laban sa lahat ng variant ng COVID-19, kabilang ang mas nakahahawang Delta variant.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita," sinabi ng Merck na batay sa kanilang pag-aaral, mas epektibo ang gamot kapag naibigay ito kaagad sa pasyente sa simula pa lang na mahawahan.

Tinatarget ng gamot  ang enzyme na ginagamit ng virus para magparami.

Sa hiwalay na ulat ng Reuters, na naibaba raw ng molnupiravir ng hanggang 50 porsiyento ang tiyansa ng pasyente na maospital, at maging ang mamamatay para sa mga pasyenteng severe case.

"This is going to change the dialogue around how to manage COVID-19," ayon kay Robert Davis, chief executive officer ng Merck.

Plano ng Merck at partner nitong Ridgeback Biotherapeutics na humingi ng US emergency use authorization para sa gamot sa lalong madaling panahon.

Magsusumite rin sila ng aplikasyon sa iba't ibang bansa.

Kung papayagan, ang molnupiravir ang magiging unang oral antiviral medication para sa COVID-19.

Sa clinical trial, pinainom ng naturang gamot ang mga kasaling pasyente tuwing ika-12 oras sa loob ng limang araw.

"Antiviral treatments that can be taken at home to keep people with COVID-19 out of the hospital are critically needed,” sabi ni Wendy Holman, CEO ng Ridgeback.

Gayunman, hindi binanggit ng kompanya kung mayroon man side effect ang molnupiravir.--FRJ, GMA News