Sugatan ang dalawang katao matapos magkabanggaan ang tatlong sasakyan sa northbound lane ng EDSA corner Corregidor Street sa Quezon City. Ang mga driver, nagkaturuan kung sino ang may kasalanan.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente 5:30 a.m., na kinasangkutan ng isang ambulansya, elf truck at isang L300 van.
Ayon sa driver ng elf truck, papunta sila sa Balintawak para kumuha ng gulay nang bigla silang salpukin ng ambulansya na mabilis umano ang takbo.
Bigla umanong kumanan ang ambulansya sa Corregidor Street.
Depensa ng driver ng ambulansya, ang truck ang bumangga sa kaniya.
Nakatakda sanang pumunta ang ambulansya sa Maynila para sumundo ng pasyente at naghahanap ng u-turn slot sa EDSA.
Nadamay naman sa aksidente ang isang L300 van.
Parehong iniinda ng driver ng ambulansya at elf truck ang kanilang binti.
Nagsikip ang daloy ng trapiko sa EDSA northbound dahil sa aksidente.
"Nagdiretso na lang ako dahil sinarado nila 'yung u-turn doon. Dumiretso na ako para dito na ako raw magkanan ulit. Kaya pagka[daan] ko rito dumating 'yung truck, ang bilis, nakita ko sa side mirror eh. Pumreno na ako, hindi na niya nakayanan 'yung pagpreno niya," sabi ng ambulance driver na si Antonio Avellana.
"Siya (ambulansya) ang lumiko bigla pakanan. Nagpreno ako, inabot siya eh," sabi ng truck driver na si Ely Ybanez.
"Kumabig sila pakanan lahat, eh kami nasa bandang kanan kami. Nadamay kami," sabi ng L300 van driver na si Fediale Clarito Jr.
Bandang 6 a.m. nang matanggal na ang tatlong sasakyan na sangkot sa insidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News