Sa harap ng mga kontrobersiya tungkol sa Department of Health, pinayuhan ni Senador Christopher “Bong” Go si Health Secretary Francisco Duque III na gumawa ng "supreme sacrifice" kapag dumating ang tamang oras.

Ginawa ni Go ang payo sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado nitong Biyernes tungkol sa ulat ng Commission on Audit sa paggamit ng DOH ng COVID-19 response na nagkakahalaga ng mahigit P67 bilyon.

“My word of advice is make the supreme sacrifice when the right time comes. For now, may hearing naman tayo dito sa Blue Ribbon Committee clear yourself and address COA’s findings,” sabi ni Go kay Duque, na kabilang sa mga dumalo sa online hearing.

“Mahal ka ng Pangulo at ipinaglalaban ka rin niya, desisyon mo na ‘yan pagdating ng panahon. But my advice is make the supreme sacrifice alang-alang sa mga kababayan nating Pilipino," dagdag ng senador.

"Naawa na rin ako kay Pangulong Duterte, pinapasan na po niya ang mundo at lahat ng problema,” patuloy ni Go.

Tinanong ni Senador Panfilo Lacson si Go kung pinagbibitiw na ba niya si Duque?

"Did Senator Go just ask Secretary Duque to resign when he told him to make the sacrifice?" sabi ni Lacson.

Sagot ni Go, "Mr. Chair and Senator Ping, advice lang po 'yung sa akin."

Kamakailan lang, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya sisibakin si Duque pero tatanggapin niya kapag nagbitiw ito.FRJ, GMA News