Nadagdagan ng 17,447 ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes.
Ito na ang ikalawang pinakamataas na daily new cases na naitala, matapos ang all-time high na 18,332 kaso noong Agosto 23.
Ayon sa DOH, sumipa sa 142,531 ang active cases o mga pasyenteng ginagamot at nagpapagaling.
Sa nabanggit na bilang 96.2% ang "mild" cases, 1.1% ang "asymptomatic," 1.1% ang "severe," at 0.6% ang nasa kritikal ang kalagayan.
Mayroon namang 6,771 na pasyente ang mga bagong gumaling. Samantalang 113 ang nadagdag sa listahan ng mga pumanaw.
Isang laboratoryo lang umano ang bigong makapagsumite ng datos sa takdang oras.— FRJ, GMA News