Sa kulungan ang bagsak ng apat na babae matapos silang magpakita ng mga pineke umanong COVID-19 test results para makabiyahe papunta at makapagtrabaho sa Dubai.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing nakatakda nang lumipad pa-Albania ang mga babae.
Gayunman, na-offload sila o hindi pinayagang bumiyahe ng Bureau of Immigration nang hindi nila masagot kung saan sila tutuloy at paano ang kanilang itinerary.
Umamin din ang apat matapos komprontahin ng National Bureau of Investigation (NBI) na pupunta sila sa Dubai para makapagtrabaho.
Napag-alaman ng mga awtoridad na pineke pala ang mga ipinrisentang COVID-19 test results ng mga babae nang suriin nila ito.
"Sinabi ng diagnostic center na wala silang ni-release na ganoong test report dahil hindi naman nila in-examine ang mga ito," sabi ni Atty. Ruel Dugayon, chief ng NBI International Airport Investigation Division.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang apat na babae, na sinampahan na ng reklamong falsification of documents.
Isinasagawa na rin ang follow-up operation ng NBI para makuha ang pinagmulan ng mga pekeng COVID-19 RT-PCR tests. -Jamil Santos/MDM, GMA News