Nahuli-cam ang habulan at tila pakikipag-patintero ng dalawa umanong mandurukot sa mga awtoridad sa Maynila. Nang mahuli na, unang inakala na menor de edad ang mga suspek pero nabisto na hindi pala.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV sa Pedro Gil corner Leon Guinto sa Maynila, ang pag-aabang ng mga traffic enforcer sa isang jeep na sinakyan ng mga suspek.
Pero pagbaba ng dalawa, tumakbo sila sa magkahiwalay na direksyon kaya nahati rin ang atensyon ng mga humahabol sa kanila.
Ang isang suspek, nakalusot sa dalawang awtoridad na nag-aabang sa kaniya.
Pero sa ikatlong nag-aabang sa kaniya na may hawak na pamalo, tumigil na siya.
Nahuli ang dalawa suspek na kinilalang sina John Edward Valdez at Jason Jesta.
Nagpakilala ang dalawa na edad 14 at 15 lang daw o mga menor de edad.
Idinahilan ng isang suspek na maysakit ang kaniyang ina kaya niya nagawang mandukot.
Ang kasama niya, sumama raw dahil nakiusap ng kaibigan na kailangan ng pambili ng gamot para sa ina.
Ayon sa kanilang biktima, inakala niyang nanghihingi lang ng limos ang dalawa pero sinikwat daw ng mga ito ang kaniyang pitaka sa bag.
Pero sa imbestigasyon ng pulisya, umamin ang dalawa na 18 at 19-anyos na sila.
Dahil hindi na sila menor de edad, maaari umanong makulong ang dalawa na sasampahan ng mga kasong pagnanakaw at pagdadala ng deadly weapon.-- FRJ, GMA News