Binaril at napatay ng holdaper ang isang dating mamamahayag at may-ari na ngayon ng salon sa Quezon City.
Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Martes, kinilala ang biktima na si Gwen Salamida.
Ayon sa Quezon City Criminal Investigation and Detection Unit, pinasok ng salarin ang salon na pag-aari ni Salamida sa Barangay Apolonio Samson dakong 3:00 pm.
Nanlaban umano si Salamida at binaril ng salarin.
Isang kasamahan din ni Salamida ang nasugatan.
Tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo, at inaalam pa kung may natangay siya mula sa biktima.
Napag-alaman na dating editor ng Remate si Salamida, at nagtrabaho rin sa isa pang tabloid. — FRJ, GMA News