Nagbitiw bilang Budget Secretary si Wendel Avisado dahil sa usapin ng kalusugan, ayon sa Malacañang nitong Biyernes.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang pagbibitiw ng kalihim.
Itinalaga ni Duterte na officer-in-charge ng Department of Budget and Management (DBM) si Undersecretary Tina Rose Marie Canda.
Bago ang kaniyang pagbibitiw, naka-medical leave si Avisado matapos dapuan ng COVID-19.
Sa isang pahayag ng DBM noong July 31, sinabing walong araw naospital si Avisado at mahigit isang buwan na naka-quarantine dahil sa coronavirus.
Si Avisado ay dating administrator ng Davao City noong nakaupong alkalde si Duterte. Nahirang siya na kalihim ng DBM noong August 2019.
Sa kabila ng pagbibitiw ni Avisado, kompiyansa si House appropriations committee chairperson Representative Eric Yap, na hindi maaapektuhan ang deliberasyon nila sa 2022 budget.
"It's a sad news dahil alam naman natin na si Sec. Wendel ay isang masipag na secretary kaya lang due to his health ay kailangan niya talaga magpahinga," ayon kay Yap.
"I am confident naman na kayang kaya rin na 'yung budget ay hindi siya maaantala dahil maraming competent na mga empleyado ang DBM tulad ni OIC Tina Canda... she's very competent, I'm sure kaya niya 'yun," dagdag ng kongresista.— FRJ, GMA News