Sa ikalawang sunod na araw, mahigit 12,000 ang naging mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa. Ang mga aktibong kaso, pumalo na sa 87,663.
Sa datos ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes, 12,439 ang mga bagong kaso. Sa kabuuan, nasa 1,700,363 na ang tinamaan ng virus sa bansa.
Lumobo naman sa 87,663 ang mga active cases, pinakamataas mula noong April 24.
Sa naturang bilang, 95.3% ang mild cases, 1.2% ang asymptomatic, 1.5% ang severe, at 0.9% ang kritikal ang kondisyon.
"Sa patuloy na pagtaas ng mga kaso, pinaaalaalahanan po natin ang lahat na patuloy na sumunod sa minimum public health standards," paalala ng DOH sa publiko.
Patuloy naman na higit na marami ang nahahawahan ng virus kaysa bilang ng mga gumagaling.
Huling naitala na mas marami ang gumaling kaysa mga bagong kaso ng COVID-19 noong Agosto 2.
Pero simula noong Agosto 3, unti-unti nang nahigitan ng mga bagong kaso ang mga bagong gumaling.
Naitala ang pinakamalaking agwat noong Agosto 5 na mayroong 8,127 na mga bagong kaso, kumpara sa 4,343 na gumaling.
At sa sumunod na araw, 10,623 naman ang mga bagong kaso, kumpara sa 3,127 lang na naitalang mga bagong gumaling.
Sa datos ng DOH ngayong Huwebes, 6,090 ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling na pasyente para sa kabuuang bilang na 1,583,161.
Umakyat naman sa 29,539 ang mga nasawi matapos na madagdagan ng 165.
“Moreover, 3 cases previously tagged as recoveries have been validated to be active cases, and 85 cases that were previously tagged as recoveries were reclassified as deaths after final validation,” ayon sa DOH.--FRJ, GMA News