Kahit buntis at may pandemic, patuloy na ginampanan ng isang duktora ang kaniyang sinumpaang tungkulin na tumulong at magpaanak ng mga pasyente. Pero sa kasamaang-palad, dinapuan siya ng COVID-19 na naging dahilan ng kaniyang pagpanaw--pati ang sanggol sa kaniyang sinapupunan.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing 31 linggo na ang ipinagbubuntis ng namayapang si Dra. Dr. Anne Mimay-Magkasi, OB-GYN.
Hulyo 28 nang magpositibo ang duktora sa COVID-19 sa isang ospital sa Pampanga. Pero pagsapit ng Agosto 1, sumakabilang buhay na sila ng kaniyang supling na nasa kaniyang sinapupunan.
Ayon Dr. Donald Reluya, hindi nabakuhan ng COVID-19 vaccine ang kaibigan niyang si Magkasi dahil sa buntis ito.
“Ganoon talaga kasi siya sakripisyo sa pagtatrabaho niya. Masakit bilang kaibigan kasi hindi mo ine-expect. Mas bata pa siya sa akin tapos mas bata siya sa aming mga kasamahan,” sabi ni Reluya.
“Ang lakas-lakas niya tapos bigla na lang pupunta sa ospital tapos ganon kalala ‘yung nararamdaman niya,” patuloy niya.
Samantala, isang buwan naman na naratay sa ospital si Dra. Christine Macaraeg, dahil din sa COVID-19, at nalagay pa sa panganib ang kaniyang buhay.
“Grabe, ang bilis talaga ng pangyayari. Sobra kasing ano, torture, torture ang nangyari sa akin. Ang dami kasing nagdadasal kaya siguro naka-survive ako,” naiiyak na kuwento ni Macaraeg na nakalabas na ng ospital.
Gaya ni Magkasi, hindi pa bakunado si Macaraeg ng panlaban sa COVID-19. Hindi ito natuloy nang tumaas ang kaniyang blood pressure.
Hanggang nitong Agosto 9, nakasaad sa datos ng Department of Health na 1.4 milyong healthcare workers na ang nabakunahan ng panlaban sa virus.
Nasa 22,032 health workers ang nagpositibo sa COVID-19, kung saan 21,730 ang gumaling at 102 ang pumanaw.
Umaasa rin ang mga healthcare workers na maibibigay sa kanila ang ipinangakong mga benepisyo tulad special risk allowance.
“Ito po ‘yung nakakalungkot dahil sa gitna ng panganib ng pandemya ay walang maramdamang suporta ang mga nurses at iba pang healthcare workers,” ayon kay Jocelyn Andamo ng Filipino Nurses United.—FRJ, GMA News