Biglang nabago ang makakaharap ni Manny Pacquiao sa ibabaw ng ring sa Las Vegas sa Agosto 21 matapos matuklasan ang problema sa retina sa kaliwang mata ni Errol Spence.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing ipinalit kay Spence si World Boxing Association welterweight champion Yordenis Ugas.

Nakatakdang lumaban si Ugas bilang undercard sa bakbakang Pacquiao-Spence pero ngayon ay magiging main event na siya.

"I'm very disappointed that I won't be able to fight Manny Pacquiao on August 21," sabi ni Spence, ang International Boxing Federation at World Boxing Council champion, sa isang pahayag.

"I was excited about the fight and the event. Unfortunately, the doctors found a tear in my left eye and said I needed to get surgery on it ASAP and that there was no way I could fight with my eye in that condition," dagdag niya.

Nadiskubre ang problema sa mata ni Spence sa pre-fight medical examination ng Nevada State Athletic Commission sa Las Vegas noong Lunes, ayon sa mga organizer.

Babalik siya sa Texas para magpagamot.

Umaasa naman si Pacquaio sa lubos na paggaling ni Spence.

Mabuti umano na nakita agad ang problema bago ang kanilang laban.

Nagpasalamat din ang Pambansang Kamao na tuloy pa rin ang kaniyang laban at hindi masasayang ang kaniyang ensayo.-- FRJ, GMA News