Umabot sa 10,623 ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ngayong Biyernes. Sa kabila ng malaking bilang, sinabi ng Department of Health (DOH) na mayroon pang limang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa takdang oras.
Ang 10,623 na mga bagong kaso ng COVID-19 ang pinakamataas mula noong Abril 17. Dahil dito, nasa 1,638,345 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng virus sa bansa.
Ayon pa sa DOH, umabot naman sa 74,297 ang mga aktibong kaso, o mga pasyenteng nagpapagaling pa. Ito rin ang pinakamataas mula noong Abril 26.
Sa nabanggit na bilang, 94.8% ang mild cases, 1.2% ang asymptomatic, 1.8% ang severe, at 1% ang kritikal ang kalagayan.
Nasa 3,127 naman ang naitalang mga bagong gumaling para sa kabuuang bilang na 1,535,375. Samantala, nadagdagan ng 247 ang pasyenteng pumanaw para sa kabuuang bilang na 28,673.
Sinabi rin ng DOH na mayroong 150 pasyente na naitala na gumaling ang inilipat sa bilang ng mga pumanaw matapos isagawa ang final validation sa mga kaso.
Mayroon ding siyam na pasyente na unang naitala na gumaling ang inilipat naman sa listahan ng active cases.-- FRJ, GMA News